Sa pagtatapos ng ika-19 na Kongreso, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino sa suporta ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), seafarers, at kanilang pamilya sa loob ng kanyang tatlong taong panunungkulan.
“Maraming salamat sa tiwala ng bawat OFW at seafarer. Sila ang naging inspirasyon sa bawat adbokasiya at panukalang batas na isinulong natin sa Kongreso. Ang ating termino ay naging makabuluhan dahil sa kanilang suporta at sa ating layunin na pagbutihin ang kalagayan ng mga migrante at kanilang pamilya,” ani Magsino.
Simula noong maupo ang OFW Party List sa Kongreso noong 2022, 66 panukalang batas ang inihain ni Magsino. Kabilang dito ang Republic Act No. 12021 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers, na ngayon ay isang landmark legislation, at House Bill No. 10178 o Internet Voting Bill, na naglalayong palakasin ang karapatan sa pagboto ng mga OFWs, Overseas Filipinos (OFs), at seafarers.
Bumisita rin ang OFW Party List sa 11 host countries upang direktang makausap ang mga OFWs at matiyak na ang mga isinusulong na hakbang ay tumutugon sa aktuwal nilang mga pangangailangan.
Ilan sa mga pangunahing isyung tinugunan ng OFW Party List ay ang:
- Abuso sa Seasonal Workers Program sa South Korea
- Kalagayan ng undocumented na anak ng mga Pilipino sa Middle East
- Pagpapalakas ng bilateral labor agreements
- Pagtataguyod ng mental health programs para sa mga OFW
- Pagsugpo sa mga iregularidad sa balikbayan box system
Kaugnay nito, inilahad ni Magsino ang kanyang sponsorship speech sa plenaryo para sa Committee Report No. 1505, na tumatalakay sa mga katiwalian sa balikbayan box system. Nag-ugat ito sa House Resolution No. 499 na kanyang inihain, at naging daan sa pagbubuo ng Joint Administrative Order No. 01 ng DMW, OWWA, BOC, at DTI para sa pangmatagalang solusyon.
Binigyang-pansin din ng OFW Party List ang laban kontra illegal recruitment at human trafficking, at pinalakas ang mga hakbang para sa reintegration ng mga OFWs at seafarers sa kanilang pagbabalik sa bansa.
“Ang mga isyu ng labor migration ay kumplikado at hindi kayang lutasin sa loob lamang ng tatlong taon. Ngunit pinatunayan natin na tayo’y tunay na boses ng mga OFWs sa Kongreso,” ani Magsino. “Ngayon lang nila narinig at tunay na naunawaan ang mga hinaing ng ating mga migrante,” dagdag niya, kaugnay sa naging reaksyon ng kapwa mambabatas.
Bagaman hindi nakakuha ng upuan ang OFW Party List sa ika-20 Kongreso, sinabi ni Magsino na ito’y simula ng isang bagong yugto ng laban para sa patas na representasyon. Naghain siya ng petisyon sa Korte Suprema upang igiit ang karapat-dapat na puwesto ng sektor sa ilalim ng party list system.
“Ang laban ay hindi dito nagtatapos. Habang nakabinbin sa Korte Suprema ang ating petisyon, patuloy akong titindig at lalaban para sa ating mga OFWs at seafarers. Hangga’t may nangangailangan ng boses, tutugon kami. Hangga’t may sistemang hindi patas, lalaban kami,” mariing pahayag ni Magsino.
- Camella launches four new residential communities in Cavite and Batangas - June 19, 2025
- 𝗟𝗮𝗴𝘂𝗻𝗮 𝗣𝗡𝗣 𝗻𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝘀𝘂𝘀𝗶𝗻𝗴 𝗶𝗺𝗯𝗲𝘀𝘁𝗶𝗴𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝗕𝗼𝗺𝗯 𝗧𝗵𝗿𝗲𝗮𝘁 𝘀𝗮 𝗦𝗮𝗻𝘁𝗮 𝗖𝗿𝘂𝘇, 𝗟𝗮𝗴𝘂𝗻𝗮; 𝗚𝗼𝘃𝗲𝗿𝗻𝗼𝗿-𝗲𝗹𝗲𝗰𝘁 𝗦𝗼𝗹 𝗔𝗿𝗮𝗴𝗼𝗻𝗲𝘀 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗴𝘂𝘁𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝘆 𝗸𝗮𝗴𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗶𝘁𝗼 - June 18, 2025
- Mapúa MCL powers entire campus with 100% renewable energy through ACEN RES partnership - June 16, 2025