O𝐜𝐜𝐢𝐝𝐞𝐧𝐭𝐚𝐥 𝐌𝐢𝐧𝐝𝐨𝐫𝐨, 𝐈𝐬𝐢𝐧𝐮𝐬𝐮𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐁𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 “𝐀𝐬𝐢𝐧 𝐂𝐚𝐩𝐢𝐭𝐚𝐥” 𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐚𝐬

Spread this info

Patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ng Occidental Mindoro, sa pangunguna ni Governor ED Gadiano, ang opisyal na deklarasyon ng lalawigan bilang “Asin Capital” ng Pilipinas dahil sa malaking ambag nito sa produksyon ng asin sa bansa.

Ayon sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), mahigit 57% ng lokal na produksyon ng asin sa bansa ay nagmumula sa Occidental Mindoro. Dahil dito, kinikilala ng ahensya ang malaking potensyal ng lalawigan sa industriya ng asin. “Oo naman, RD na mismo ng BFAR ang nagsasabi na Occidental Mindoro ang may pinakamalaking produksyon ng asin,” ani Gov. Gadiano.

Isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga asin producers sa lalawigan ay ang limitadong espasyo para sa produksyon, dahil may ilang potensyal na lugar na itinuturing na protected area. “Nag-meet na ang asosasyon ng mga asin producers para palawakin ang produksyon, pero ang ilan sa kanilang target na lugar ay protected area.

Kinausap ko ang MENRO para sa posibleng reclassification ng mga lupaing ito,” pahayag ni Gadiano. Patuloy namang sumusuporta ang BFAR sa industriya ng asin sa lalawigan sa pamamagitan ng Development of Salt Industry Project (DSIP). Sa ilalim ng programang ito, nagbibigay ang BFAR ng pagsasanay, kagamitan, at teknikal na suporta upang mapalakas ang produksyon ng asin sa Occidental Mindoro.

Bukod dito, inilunsad din ng ahensya ang plano nitong palawakin ang mga sakahan ng asin sa lalawigan upang madagdagan pa ang output ng produksyon. Kapag opisyal nang idineklara bilang “Asin Capital”, mas madadagdagan ang trabaho at kabuhayan sa Occidental Mindoro. Inaasahang mas maraming pampubliko at pribadong pamumuhunan ang papasok upang lalo pang palakasin ang industriya. “Kung ma-reclassify ang ilang lugar, mas lalaki ang produksyon. Kailangang pagtulungan ito para mapakinabangan,” dagdag ni Gadiano.

Bagama’t hindi pa opisyal na idinedeklara, patuloy na kumikilos ang pamahalaang panlalawigan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapalakas ang industriya ng asin sa Occidental Mindoro at maisakatuparan ang layunin nitong kilalanin bilang “Asin Capital ng Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *