Isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas at mas maayos na komunidad ang pormal na pagbubukas ng bagong Calauan Municipal Police Station, na magsisilbing mas moderno at mas maayos na himpilan ng kapulisan para sa bayan.
Pinangunahan ang inagurasyon ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Osel Caritahan, kasama sina Vice Mayor Dong Sanchez at Former Councilor Charles Caritahan. Dumalo rin sa programa ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), kabilang sina PCOL Sandro Jay D.C. Tafalla, PBGEN Glenn D. Lonogan, at PLTCOL Reynald O. Domelod.



Ayon kay Mayor Caritahan, na isa ring dating miyembro ng Philippine National Police bago pumasok sa serbisyo publiko, malapit sa kanyang puso ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Calauan.
Bilang ama ng bayan, sinabi niyang mahalagang magkaroon ang mga pulis ng isang maayos, maluwag, at presentableng himpilan upang mas mapabuti ang kanilang serbisyo sa publiko at higit na mapalakas ang pagpapatupad ng batas.

“Malaking bagay na ang ating mga pulis ay may maayos na pasilidad kung saan nila maisasagawa nang mahusay ang kanilang tungkulin. Ang bagong himpilan ay simbolo ng ating patuloy na pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat mamamayan ng Calauan,” ani Mayor Caritahan.
Inaasahang mas mapapalakas ng bagong gusali ang operasyon ng Calauan Municipal Police Station, kabilang ang mas mabilis na pagtugon sa mga insidente, mas mahusay na koordinasyon sa komunidad, at mas episyenteng pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Ang pagbubukas ng bagong himpilan ay sumasalamin sa matibay na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng Philippine National Police upang higit pang mapalakas ang seguridad at kapayapaan sa bayan ng Calauan.

- Laguna Youth Patrollers,tumanggap ng cash relief assistance para sa aktibong pagbabalita - August 8, 2026
- 𝗟𝗶𝘃𝗲𝗹𝗶𝗵𝗼𝗼𝗱 𝗮𝘀𝘀𝗶𝘀𝘁𝗮𝗻𝗰𝗲, 𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗯𝗲𝗻𝗲𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗿𝘆𝗼 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁 𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗱𝗶𝘀𝘁𝗿𝗶𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗟𝗮𝗴𝘂𝗻𝗮 - August 8, 2026
- Acting Vice Mayor Barbie Diaz orders audit of JO Workers in San Pablo City Council - August 8, 2026