Humigit-kumulang 4,000 runners mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad ang nakiisa sa Bagong Cabuyao Fun Run 2026 na ginanap sa Cabuyao Athletes Basic School (CABS) nitong Sabado, bilang hudyat ng pagdiriwang ng ika-14 na Cityhood Anniversary ng lungsod at bahagi rin ng Youth Week celebration.
Bago ang pagsisimula ng fun run, pormal na pinailawan ng Pamahalaang Lungsod ng Cabuyao ang buong CABS upang mapahusay ang liwanag at seguridad sa lugar. Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng programang “Mas Maliwanag na Cabuyao” na isinusulong ni Mayor Dennis “DENHA” Hain upang mapalawak ang maayos na street lighting sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Bukod sa pagsusulong ng aktibong pamumuhay at pangangalaga sa kalusugan, naging tampok din sa programa ang pagiging pet-friendly ng aktibidad. Maraming residente ang nakiisa kasama ang kanilang mga alagang aso o fur babies, na nagbigay ng dagdag na kasiyahan at kulay sa pagdiriwang.
Sa isang pahayag, nagpasalamat ang Cabuyao City Veterinary Office sa lahat ng lumahok at sumuporta sa programa. Kinilala rin nito ang suporta nina Mayor Dennis “DENHA” Hain at First Lady Jhonnalyn M. De Hain sa patuloy na pagsusulong ng kapakanan ng mga alagang hayop at responsableng pet ownership.
“Together, we celebrate a healthier, happier, and more pet-friendly One Bagong Cabuyao,” ayon sa City Veterinary Office.
Ayon pa sa tanggapan, mahalagang bahagi ng bawat pamilya ang mga alagang hayop kaya’t ikinatuwa nilang maging bahagi ang mga ito sa pagdiriwang, na nagbigay ng masasayang karanasan sa mga pet owners at sa buong komunidad.
Ang Bagong Cabuyao Fun Run 2026 ay isa sa mga pangunahing aktibidad na inihanda ng lokal na pamahalaan para sa pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng pagiging lungsod ng Cabuyao. Sa ikaapat na taon ng panunungkulan ni Mayor Dennis “DENHA” Hain, patuloy na isinusulong ng pamahalaang lungsod ang mga programang nagtataguyod ng kalusugan, pagkakaisa, at isang mas ligtas at mas inklusibong komunidad para sa lahat ng Cabuyeño.
- Humigit-kumulang 4,000 runners, nakiisa sa Bagong Cabuyao Fun Run 2026 para sa ika-14 na Cityhood Anniversary - August 1, 2026
- Mas pinatibay ang seguridad sa Calauan sa pagbubukas ng bagong Municipal Police Station - July 31, 2026
- Mechanical Ventilators para sa mga ospital sa Laguna inaksyunan ng pamahalaang panlalawigan - July 30, 2026