Tiangco: Desisyon ng Korte Suprema, nagpapatibay sa panawagan para sa transparency sa pambansang budget

Spread this info

Iginiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco na pinagtitibay ng desisyon ng Korte Suprema ang kanyang matagal nang panawagan para sa transparency at accountability sa bawat yugto ng proseso ng pambansang badyet, partikular sa paglalaan at paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon kay Tiangco, kabilang sa mga isyung ilang ulit niyang inilahad sa Kamara ang mga natuklasan ng Korte Suprema tungkol sa kakulangan ng dokumentasyon sa mga pagbabagong isinagawa sa budget sa bicameral conference committee, malawak na kapangyarihan sa paggasta, at pangangailangan ng mas mahigpit na fiscal safeguards.

Binigyang-diin ng mambabatas na dapat malaman ng publiko kung saan napupunta ang bawat pisong nagmumula sa buwis ng mga mamamayan. Aniya, hindi dapat pahintulutan ang mga pagbabago sa badyet nang walang sapat na paliwanag at malinaw na pananagutan.

Ipinunto rin ni Tiangco na ilang beses na niyang kinuwestiyon ang kakulangan ng transparency sa mga deliberasyon sa pambansang budget, kabilang ang badyet mismo ng House of Representatives.

Nauna na siyang naghain ng mosyon upang muling buksan ang plenary deliberations sa budget ng Kamara upang bigyang-daan ang mas masusing pagsusuri sa mga gastusin nito. Gayunman, tinanggihan ang kanyang mosyon.

Bumoto rin si Tiangco laban sa panukalang pambansang budget para sa 2027 dahil sa kanyang mga pangamba hinggil sa kakulangan ng transparency at accountability sa proseso ng paglalaan ng pondo.

Binigyang-diin niya na dapat matiyak na maayos na nagagamit ang pondo ng gobyerno at nagbubunga ito ng konkretong pakinabang para sa mga Pilipino.

Para kay Tiangco, mahalaga ang desisyon ng Korte Suprema sa gitna ng patuloy na pagsisiyasat sa mga umano’y iregularidad sa paggasta para sa mga flood control project.

Aniya, nagsisilbing paalala ang flood control scandal sa kahalagahan ng transparency sa pagbuo ng pambansang budget, gayundin sa pagtukoy kung saan at paano gagamitin ang pondo ng bayan.

Binanggit din ng mambabatas na pinatitibay ng desisyon ang kanyang mga naunang pangamba hinggil sa paglilipat ng pondo para sa foreign-assisted projects patungo sa Unprogrammed Appropriations (UA), na iniugnay niya sa paglaki ng alokasyon sa naturang pondo.

Kasabay nito, muling nanawagan si Tiangco ng mga reporma upang matiyak ang bukas na deliberasyon sa pambansang budget, mas transparent na proseso sa bicameral conference committee, at mas mahigpit na pagsusuri sa paggasta ng pamahalaan.

Para sa mambabatas, mahalagang bahagi ng mabuting pamamahala ang pagtiyak na bawat pondong nagmumula sa taumbayan ay naipapaliwanag, nasusubaybayan, at nagagamit para sa kapakanan ng publiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *