Inaksyunan ni Laguna Governor Sol Aragones at ng kanyang health team ang kakulangan ng mechanical ventilators sa ilang pampublikong ospital sa lalawigan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga bagong kagamitan na mahalaga sa pagbibigay ng agarang lunas sa mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mahalaga ang mga ventilator sa mga Intensive Care Unit (ICU) dahil ginagamit ang mga ito upang matulungan ang mga pasyenteng hindi na kayang huminga nang mag-isa. Dahil sa kakulangan ng naturang kagamitan, madalas na inililipat sa ibang ospital ang mga pasyenteng nangangailangan ng mechanical ventilation.
Bilang bahagi ng programang pangkalusugan ng pamahalaang may solusyon, naghatid ang Provincial Health Office ng mga ventilator sa ilang pampublikong ospital sa Laguna, kabilang ang Laguna Medical Center sa Sta. Cruz, Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital sa Calamba City, at San Pablo City District Hospital.



Ang mechanical ventilator ay isang makinang tumutulong sa paghinga ng pasyente sa pamamagitan ng pagpapasok ng oxygen sa baga at pag-aalis ng carbon dioxide. Karaniwan itong ginagamit sa mga pasyenteng may respiratory failure na dulot ng malalang pneumonia, severe asthma, COVID-19, stroke, trauma sa ulo, pinsala sa spinal cord, at maging sa mga pasyenteng sumasailalim sa operasyon habang sila ay nasa ilalim ng anesthesia.
Sinabi ni Governor Aragones na unti-unting tutugunan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kakulangan sa mga ospital sa Laguna.
“Hindi man ito kayang gawin nang biglaan, kaya naman natin itong unti-unting punan at tiyaking magiging maayos ang serbisyo sa ating mga ospital,” ani Aragones.


- Laguna Youth Patrollers,tumanggap ng cash relief assistance para sa aktibong pagbabalita - August 8, 2026
- 𝗟𝗶𝘃𝗲𝗹𝗶𝗵𝗼𝗼𝗱 𝗮𝘀𝘀𝗶𝘀𝘁𝗮𝗻𝗰𝗲, 𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗯𝗲𝗻𝗲𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗿𝘆𝗼 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁 𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗱𝗶𝘀𝘁𝗿𝗶𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗟𝗮𝗴𝘂𝗻𝗮 - August 8, 2026
- Acting Vice Mayor Barbie Diaz orders audit of JO Workers in San Pablo City Council - August 8, 2026