Kinundina ng mga Grab Delivery Riders ang hindi patas na fare matrix ng Grab Philippines , nagkilos protesta sila sa kahabaan ng Tomas Morato sa Quezon City upang iparating sa pamahalaan ang umano’y unfair labor practices ng kumpanya at hindi makatwirang pagbawas sa bayad sa kanila.
Ayon kay lady Grab Rider Mary Rose Evardone ng Pampanga kada araw paliit ng paliit ang kita nila sa grab, may apat pa naman siyang anak na binubuhay. Lumahok umano siya sa protesta para makiisa at maipabot sa kumpanya kung gaano kahirap ang mga riders sa pamamasada ng 24/7 umulan umaraw man.
Sa protesta giniit ng National Union of Food Delivery Riders na itigil ng Grab ang pagpapatupad ng bagong “unfair fare matrix” na nagpapaliit ng kanilang take home earnings.
Ayon pa sa mga protesters, ang naibabawas sa kanilang kita ay napupunta sa maintenance ng Grab platform dulot ng umano’y kinakaharap na economic difficulties.
Inakusahan din ng mga riders ang umano’y kapabayaan ng Grab sa kanilang health insurance dahil ang alok lamang sa kanila ng kumpanya ay medical reimbursement at ang rider ang nagbabayad ng kanilang insurance.
Anila, itinuturing ng Grab na partner ang mga riders pero hindi naman naipapaalam sa kanila ang mga bagong polisiya na naipatutupad ng kumpanya.
Isang rider din ang nagsabing ilegal na tinanggal ng Grab, at ang usapin ay nasa Dept of Labor na at handang idulog din ang usapin sa Justice Department upang mapangalagaan ang kapakanan ng kapwa riders.
- Unfair Fare Matrix ng Grab Philippines kinundina ng Grab Delivery Riders - October 22, 2023