Bam Aquino pinuri ang Pinoy dance crews sa 2026 World Hip Hop Championship

Spread this info

Pinuri ni Senator Bam Aquino ang limang Filipino dance crews na nagpakitang-gilas at nag-uwi ng mga medalya sa 2026 World Hip Hop Dance Championship na ginanap noong Hulyo 25 hanggang Agosto 1 sa Phoenix, Arizona.

Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 591, kinilala at binati ni Aquino ang Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers, at Sayawatha Jr. dahil sa kanilang natatanging performance sa pandaigdigang kompetisyon na inorganisa ng Hip Hop International.

Nagkampeon ang Femme MNL sa Megacrew Division, habang nagkamit naman ng unang pwesto ang HQ sa Adult Division.

Nakuha ng The Crew ang silver medal sa Megacrew Division, dahilan upang makumpleto ng Pilipinas ang 1-2 finish sa naturang kategorya. Samantala, nag-uwi naman ng bronze medals ang Folk Jumpers sa Adult Division at Sayawatha Jr. sa Junior Division.

Bukod sa mga nag-medalya, kinatawan din ng A-Kidz, Sayawatha, NDDU Generals, A-Gyalz, A-Boiz, at UNRVLD ang Pilipinas sa iba’t ibang divisions ng kompetisyon.

Ayon kay Aquino, patunay ang tagumpay ng mga Pinoy dance crews sa patuloy na pag-angat ng Pilipinas sa pandaigdigang dance community at sa husay ng mga Pilipino sa larangan ng sining at malikhaing industriya.

Binigyang-diin din ng senador ang mahalagang papel ng mga coach, choreographer, mentor, pamilya, dance organizations at iba pang supporters sa paghubog sa talento ng mga kabataang Pilipino.

Aniya, nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataan ang tagumpay ng mga dance crews upang pagbutihin ang kanilang talento sa performing arts at ipagpatuloy ang paggamit ng sayaw bilang paraan ng creativity, cultural expression at talent development.

Kabilang sa limang-puntong agenda ni Aquino bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship ang pagpapalakas sa creative economy ng bansa, partikular ang pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa Filipino artists, creators, filmmakers, designers at iba pang creative professionals sa global market.

Isinusulong din niya ang pagtatatag ng isang government agency na tututok sa pagsusulong at suporta sa creative industries ng Pilipinas, na maaaring maging katulad ng Korea Creative Content Agency (KOCCA) ng South Korea.

Kamakailan lamang, kinilala rin ni Aquino ang mga tagumpay ng P-pop group SB19 at Nation’s Girl Group BINI sa mga pandaigdigang entablado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *