𝙈𝙖𝙜 𝙖𝙨𝙖𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙃𝙚𝙧𝙣𝙖𝙣𝙙𝙚𝙯 𝙥𝙞𝙣𝙖𝙥𝙖-𝙙𝙞𝙨𝙠𝙬𝙖𝙡𝙞𝙥𝙞𝙠𝙖 𝙙𝙖𝙝𝙞𝙡 𝙨𝙖 𝙪𝙢𝙖𝙣𝙤’𝙮 𝙫𝙤𝙩𝙚 𝙗𝙪𝙮𝙞𝙣𝙜

Spread this info

Isang pribado at concerned citizen ng Cabuyao Laguna ang naghain ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) upang idiskwalipika ang kandidatura nina incumbent Laguna Governor Ramil Hernandez at kanyang asawang si 2nd District Representative Ruth Hernandez, dahil sa umano’y vote-buying.

Si Gov. Hernandez ay tumatakbong kongresista ng ikalawang distrito ng Laguna, habang si Cong. Hernandez ay kandidato naman sa pagka-gobernador.

Inihain ni Celito Baron kasama ang kanyang abogado na si Atty.Hazel Crabajales ang petisyon sa main office ng Comelec sa Intramuros.

Sa petisyon iginiit ni Baron na malawakan umano ang vote-buying na isinasagawa ng mag-asawang Hernandez sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Isa sa mga binanggit sa reklamo ay ang umano’y paghahakot ng mga residente ng Cabuyao City patungo sa isang warehouse sa Calamba City, na itinuring na orientation at training para sa mga poll watchers, subalit sinasabing ito’y isang pagkukubli sa aktwal na pamimili ng boto.

Ayon pa sa reklamo, bawat dumadalo sa nasabing aktibidad ay binibigyan umano ng t-shirt na may larawan ng mag-asawang Hernandez, pagkain, tubig, at envelope na naglalaman ng halagang P2,000.

Mariin namang itinanggi ng kampo ng mga Hernandez ang alegasyon, lalo na matapos magsagawa ng inspeksyon ang mga opisyal ng Comelec at mga pulis sa nasabing warehouse noong Abril 21, 22, at 23.

Bukod dito, sinasabing ginagamit rin umano ng mag-asawa ang mga health card o tinatawag na “blue cards” upang makahikayat ng boto mula sa mga botante.

Noong Abril 25, kinumpiska ng Comelec Cabuyao ang 256 health cards na may tatak na “Province of Laguna” at pangalan ni Gov. Hernandez, na natagpuan sa bag ng isang babae. Ang babae ay dinala ng mga residente sa barangay hall ng Brgy. Niugan dahil sa umano’y tangkang pamamahagi ng health cards at dilaw na stubs.

Ayon sa Comelec Cabuyao, ang mga nakumpiskang health cards ay itinuturing na ebidensya sakaling may pormal na kasong isampa kaugnay ng insidente.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ng mag-asawang Hernandez ukol sa isinampang petisyon para sa kanilang diskwalipikasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *