google78feaf06d1095058.html

DepEd, Lungsod ng Calamba pinagtitibay ang literacy sa pamamagitan ng BINHI program

Spread this info

CALAMBA CITY — Pinagtibay ng Department of Education (DepEd) at ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang kanilang pangako sa pagpapalakas ng literacy at dekalidad na edukasyon sa kabataan sa pamamagitan ng “BINHI Literacy Program” at iba pang community-based na inisyatibo.

Sa isang espesyal na pagbisita nitong Pebrero 9, 2026 sa Calamba Elementary School, personal na sinilip ni DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara ang implementasyon ng BINHI program, na pitong taon nang nagbibigay ng learning materials sa mga Kinder at Grade 1 learners upang maagang matutong magbasa at umunawa. Kasama ni Secretary Angara si Mayor Ross Rizal, na nanguna rin sa pamamahagi ng Learner’s Kits at school supplies sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa nasabing pagbisita, ipinaliwanag ni Teacher Ivy Roquero, na ang BINHI Literacy Program, ay may mga hakbang ng programa: ang pre-test para matukoy ang pangangailangan ng bawat bata, ang pang-araw-araw na klase sa umaga at hapon, at ang paggamit ng epektibong estratehiya sa pagtuturo ng pagbasa ayon sa Science of Reading. Ayon sa kanya, malinaw na nakikita ang progreso ng mga estudyante mula KIt 0 hanggang KIt 2 sa loob ng tatlong taon ng implementasyon.

Ani Secretary Angara, “Malaking tulong ang BINHI sa maagang pagtutok sa pagbabasa. Nakakalungkot man na may mga estudyante sa mas mataas na baitang na nahihirapan pa rin sa pagbasa, kaya’t ang mga programang tulad ng BINHI ay mahalaga hindi lamang sa paaralan kundi sa buong komunidad.”

Binigyang-diin din ni Mayor Rizal ang patuloy na suporta ng lungsod sa edukasyon. Ayon sa alkalde, umabot sa humigit-kumulang 126,000 estudyante ang nakinabang sa programang pamamahagi ng Learner’s Kits, school supplies, at bag mula daycare hanggang senior high school, kabilang na ang mga mag-aaral ng City College of Calamba.

Dagdag pa rito, nakapagtayo na ang lungsod ng tatlong bagong national high school — Turbina National High School, Kay-Anlog National High School, at Sirang Lupa National High School — at nakabili ng lupa sa iba pang barangay na wala pang paaralan, na itinakdang pagtayuan ng bagong paaralan sa taong ito.

Bahagi rin ng EDCOM sa Kongreso ang Lungsod ng Calamba, kung saan aktibong nakikilahok ito sa pagbalangkas ng mga programa at solusyon sa sektor ng edukasyon sa bansa. Ayon kay Mayor Rizal, “Patuloy nating tinutulungan hindi lamang ang ating mga estudyante kundi pati na rin ang ating mga guro upang makasabay sa mga bagong kaalaman at pamamaraan sa pagkatuto.”

Sa pamamagitan ng mga programang ito, pinagtitibay ng DepEd at Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang kanilang pangako sa paghubog ng mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataang Calambeño, at sa pagbibigay ng pantay at dekalidad na oportunidad sa edukasyon sa buong komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *