Isang panukalang batas na naglalayong palawakin ang access sa abot-kayang paupahang tirahan para sa mahihirap at low-income families ang ipinasa ng Senado sa ikalawang pagbasa.
Ang Senate Bill No. 2507, na inisponsoran ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, ay naglalayong hikayatin ang mga pribadong developer na magtayo, magpaayos, at magpatakbo ng mga affordable at disenteng rental housing units.
Ayon kay Escudero, kinikilala mismo ng Konstitusyon na hindi kayang tugunan ng pamahalaan lamang ang lumalaking pangangailangan sa pabahay ng bansa. Aniya, nagbibigay-daan ang panukala sa mas malawak na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang makapaglaan ng disenteng tirahan para sa mga pamilyang nangangailangan.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng registration at certification system para sa mga rental housing units na kwalipikado sa programa. Kailangang sumunod ang mga ito sa rental rates na itatakda ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) batay sa kita ng pamilya, umiiral na presyo ng renta sa lugar, at laki at uri ng unit.
Tanging mga housing unit na nakatutugon sa itinakdang standards at inuupahan ng poor at low-income households ang maaaring makatanggap ng mga insentibo.
Kabilang sa mga insentibong maaaring ibigay sa mga developer at operator ng kwalipikadong rental housing units ang:
- VAT exemption sa mga lease;
- Mga tax incentive sa ilalim ng Republic Act No. 11534 o CREATE Act; at
- 25-percent tax credit sa gross rental income sa loob ng limang taon.
Maaari rin silang makinabang sa preferential lending terms mula sa Pag-IBIG Fund, Land Bank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP).
Kasama rin sa panukala ang mga mekanismo tulad ng credit guarantees, interest subsidies, at viability gap funding upang mabawasan ang mga panganib at gastos sa pagbuo ng affordable rental housing.
Pinapayagan din ng panukala ang paggamit ng government-owned land at iba pang government assets para sa affordable rental housing sa pamamagitan ng usufruct, lease, concession, at public-private partnership arrangements.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi lamang layunin ng panukala na i-regulate ang rental housing sector kundi dagdagan mismo ang suplay ng abot-kayang mga paupahang bahay.
Aniya, makatutulong ang mga insentibo upang pagsama-samahin ang resources ng pamahalaan at pribadong sektor para maisulong ang layunin ng Konstitusyon na magkaroon ng disenteng at abot-kayang pabahay ang bawat pamilyang Pilipino.
Ang pondo para sa pagpapatupad ng panukala ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA) at sa mga spending plan ng mga kaugnay na government-owned and controlled corporations (GOCCs).
- Enchanted Kingdom marks its 31st Anniversary with enhanced AGILA The EKsperience: SARIBUHAY and a night of OPM music - October 5, 2026
- Bagong housing bill, magpapalawak ng rental options para sa mahihirap - October 5, 2026
- 𝗕𝗿𝗶𝗹𝗹𝗶𝗮𝗻𝘁 𝗦𝗸𝗶𝗻 𝗖𝗘𝗢 𝗲𝘅𝗰𝗶𝘁𝗲𝗱 𝗶-𝗮𝗽𝗽𝗹𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝘁𝘂𝘁𝘂𝗻𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗛𝗮𝗿𝘃𝗮𝗿𝗱 𝗕𝘂𝘀𝗶𝗻𝗲𝘀𝘀 𝗦𝗰𝗵𝗼𝗼𝗹 - October 5, 2026