Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente, isinusulong ang pagtatayo ng mga floating solar panels sa piling bahagi ng Laguna de Bay bilang bahagi ng renewable energy program ng pamahalaan.
Ngunit habang nakikita ng ilan ang proyekto bilang solusyon sa krisis sa enerhiya, may mga agam-agam ang mga manginisda sa lawa at mga komunidad sa paligid nito.
Sa kabuuang 29,000 ektarya ng Laguna de Bay, 2,000 ektarya ang inilaan para sa floating solar development ng Sun Asia energy, isang Philippine-based renewable energy company na nakatuon sa solar power development
Bukod sa inaasahang dagdag na suplay ng malinis na enerhiya, nakikita rin ang potensyal ng proyekto na makalikha ng mga bagong trabaho. Ayon sa plano, prayoridad na mabigyan ng oportunidad bilang manggagawa ang mga lokal na mangingisda sa oras na magsimula ang implementasyon nito.

Sa unang paglabas ng plano, marami sa mga mangingisda ang nagpahayag ng pangamba na maaaring lumiit ang kanilang pangisdaan at maapektuhan ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
Ayon kay Cornelio Replan Jr., Pangulo ng Bay Federation of Fisherfolks at Hepe ng Bantay Lawa sa bayan ng Bay, naging limitado ang kanilang kaalaman tungkol sa proyekto kaya humingi sila ng tulong sa mga eksperto mula sa UP Los Baños.
Inalalayan din sila ng Reboot Philippines, isang youth-led non-profit organization na nagsusulong ng renewable energy at “just energy transition” o ang pagsusulong ng malinis na enerhiya habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga komunidad, kabuhayan, at kalikasan.
“Sinamahan po kami ng Reboot sa pangunguna ni Sir Alen Espinosa. Ngayon po ay gumawa kami ng isang kasunduan. Halos tatlong taon na po namin itong pinagtatrabahuhan. Ang hinihintay na lamang namin ay ang pagpirma sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang LLDA at ang kumpanyang maglalagay ng floating solar,” ani Replan.

Ayon kay Replan, nakasaad sa kasunduan na kung matutuloy ang proyekto, hindi lamang ang mga mangingisda kundi maging ang iba pang residente sa paligid ng lawa ang bibigyan ng oportunidad na makapagtrabaho.
“Hindi naman po kami tutol sa pag-unlad. Ayaw rin naman naming magpatuloy ang paggamit ng maruming enerhiya. Ramdam din namin ang epekto ng climate change sa aming pangisdaan.”
Dagdag pa niya, kung makabubuti ang proyekto sa kabuhayan at kalikasan, handa silang suportahan ito.
Ayon kay Replan, nakasaad din sa MOA ang mga hakbang upang mapanatili ang populasyon ng isda sa lawa.
Ipinaliwanag niyang hindi sasakupin ng solar panels ang buong 2,000 ektarya dahil magkakaroon ng mga navigational lanes para sa malayang pagdaan ng mga bangka.
Binanggit din niya na sa pilot area ng proyekto ay napansin nilang tumubo ang algae sa ilalim ng mga panel na nagsisilbing pagkain ng mga isda.
Nakasaad din umano sa kasunduan na bawat quarter ay magpapakawala ang kumpanya ng mga semilya ng katutubong isda upang makatulong sa pagpapanatili ng populasyon nito.
Nanawagan si Replan sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) na isama ang mga mangingisda sa lahat ng usapin at pagpapasya tungkol sa lawa.
“Sa LLDA po alam naman ho naming po na kami ay nakikipangisda lamang ,alam naman namin na may authority , sana isama niyo ho kami sa pagpupulong kung ano man ang gagawin sa lawa ng laguna .”
Samantala, sinabi naman ni Cristian Rey Bucala ng Office of the Mayor at Park Management Office ng Los Baños na napatunayan na ang pakinabang ng maliit na floating solar facility na kasalukuyang ginagamit ng lokal na pamahalaan.
“Napapanahon ang proyekto lalo na sa gitna ng umiiral na energy crisis dahil maaari itong magsilbing alternatibong pinagkukunan ng malinis na kuryente.”
Nilinaw ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na wala pang aktwal na floating solar project na naipapatupad sa mga na-award na lugar dahil hinihintay pa ang paglabas ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa ahensya, maingat na pinili ang mga itinalagang lugar para sa proyekto upang malayo ito sa mga fish cage at pangunahing pangisdaan at maiwasan ang direktang kompetisyon sa espasyo ng mga mangingisda.
Tinatayang 10 porsyento lamang ng kabuuang fishing grounds ang maaaring maapektuhan ng proyekto.pahayag ng LLDA
Ipinaliwanag din ng LLDA na sila ay administrador lamang ng lawa at nagbigay ng possessory rights sa mga nanalong developer sa pamamagitan ng public bidding. Ang mga developer ang may pananagutan sa pagkuha ng ECC at sa pagtugon sa anumang posibleng epekto ng proyekto sa kalikasan.
Dagdag pa ng ahensya, nagsagawa na sila ng mga public consultation noong 2023 kasama ang mga komunidad at sektor na maaapektuhan ng proyekto.
Ayon sa LLDA, hahatiin ang proyekto sa 20 bloke na may tig-100 ektarya. Bawat bloke ay inaasahang makagagawa ng humigit-kumulang 1.3 megawatts ng kuryente.
Kapag operational na ang proyekto, ang malilikhang enerhiya ay idadaan sa grid ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bago maipamahagi sa mga kabahayan.
Tiniyak din ng LLDA na mahigpit nilang imo-monitor ang mga aktibidad ng mga developer upang mapanatili ang ecological balance ng Laguna de Bay, alinsunod sa environmental safeguards na nakasaad sa kanilang kontrata.
Bukod sa produksyon ng malinis na enerhiya, inaasahan din ng ahensya na makalilikha ang proyekto ng mga bagong trabaho para sa mga komunidad sa paligid ng lawa, kung saan prayoridad na mabigyan ng hanapbuhay ang mga lokal na mangingisda.

Habang hinihintay ang pinal na pag-apruba sa proyekto, nananatiling mapagmatyag ang mga komunidad sa paligid ng Laguna de Bay. Umaasa silang ang planong floating solar project ay hindi lamang magsisilbing tugon sa lumalaking pangangailangan sa enerhiya, kundi magbubukas din ng dagdag na kabuhayan—nang hindi isinasakripisyo ang kalikasan at ang kanilang hanapbuhay.
“Sa developer po sana yung mga sinabi nila ay totohanin ho nila at kami naman po ay hindi magulong kausap.” panawagan ni Bay Federation of Fisherfolks President Cornelio Replan Jr.
Ngunit sa gitna ng mga pangako at plano, nananatiling malaking tanong: mapipirmahan nga ba ang MOA, at higit sa lahat, matutupad ba ng mga kinauukulan ang mga pangakong binitiwan sa mga komunidad?
- School safety, accountability at forefront as Chiz calls for juvenile justice review - July 21, 2026
- Acidre to BatStateU graduates: Turn knowledge into reform, move nation forward - July 21, 2026
- Kung makakatulong, bakit hindi? – Floating solar panel sa Laguna Lake suportado ng Bay Federation of Fisherfolks - July 20, 2026