Inihayag ni Infanta Vice Mayor L.A. Ruanto na magkakaroon na ng cold storage facility sa bahagi ng Northern Quezon na lubos na mapapakinabangan ng mga mangingisda mula sa mga bayan ng Real, Infanta, General Nakar at mga islang bayang bahagi ng Polillo Group of Islands (REINA-POGI Area).
Masayang ibinalita ng bise alkalde sa ginanap na Women’s Month Celebration ng Real, Infanta at General Nakar (REINA) nitong Marso 21, 2024 sa Northern Quezon Convention Center sa bayan ng Infanta.
Ayon kay Vice Mayor Ruanto, magkakaroon ng katuparan ang cold storage facility sa pamamagitan ni Senador Imee Marcos at sa tulong ni Governor Doktora Helen Tan at DPWH Regional Director Engr. Ronnel Tan.
Ibinahagi rin ng bise alkalde ang naging kalagayan ng mga mangingisda kapag panahon ng amihanin na madalas na ring naging problema na kapus ang mga ito dahil walang huli at madalas pa sa naging problema ay binabarat sila sa Malabon ng mga traders at naibebenta ng mas murang halaga kaya mainam kapag ka meron cold storage facility.
Dagdag pa ni Ruanto na sakaling magkaroon na ng cold storage facility ay maaari nang i-imbak muna ang mga nahuling isda at ibenta mga ito kapag maganda na ang presyuhan para hindi nalulugi ang mga mangingisda at hindi natatalo pagdating sa pagnenegosyo.
Samantala, ibinalita rin ni Ruanto na tuloy-tuloy ang ibinababang tulong ni Senador Imee Marcos sa Quezon sa pamamagitan ng mga programang Aid to Individual in Crisis Situation (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).