Ipinakita ni Sto. Tomas City Mayor Atty. Arth Jhun Aguilar Marasigan ang mga pangunahing tagumpay ng lungsod sa nakalipas na isang taon, gayundin ang mga planong proyekto para sa patuloy na pag-unlad ng mga Tomasino, sa kanyang ika-5 State of the City Address (SOCA) na ginanap nitong Lunes sa City Hall Annex Building.
Sa harap ng mga opisyal ng pamahalaan, lider ng negosyo at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, binigyang-diin ni Marasigan ang mga programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, trabaho, agrikultura at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya.
Kalusugan, patuloy na prayoridad
Ayon sa alkalde, umabot sa 145,000 ang medical at dental consultations na isinagawa noong 2025, kabilang ang mga serbisyong hatid sa pamamagitan ng Aksyon Bilis Caravan at Aksyon Bilis Mobile Clinic.
Nakapaghatid din ang lungsod ng 29,000 sanitation at food services, 56,000 preventive health services tulad ng immunization, deworming at newborn screening, habang 85,000 benepisyaryo naman ang nakatanggap ng libreng gamot.
Bukod dito, nakapagsagawa ng 20,000 laboratory services, 2,790 prenatal tests at 2,039 postnatal tests.
Pinalawak din ang DOH Level II Accredited Teen Health Clinic, Animal Bite Treatment Center, Social Hygiene Clinic at Mental Health Clinic upang mas matugunan ang mga partikular na pangangailangang pangkalusugan ng mga residente.
Kasabay nito, isinasagawa ang pagpapalawak at modernisasyon ng City Health Center II sa Barangay Sta. Clara sa pakikipagtulungan sa SM Foundation.
Kabilang naman sa mga planong proyekto ang pagtatatag ng DOH Juan Gamot Pharmacy, City-wide Yakap Mass Registration, paglilipat ng 24/7 BEmONC facility sa City Health Center II, AJAM H.E.A.R. You at AJAM Eye Care.
Mas maraming benepisyo para sa edukasyon
Sa sektor ng edukasyon, sinabi ni Marasigan na 10,000 senior high school at college students ang nabigyan ng scholarship grants para sa School Year 2025-2026, na may kabuuang halaga na P47 milyon.
Mas mataas ito ng 66.67 porsyento kumpara sa 6,000 scholars noong nakaraang school year.
May mga educational assistance din para sa mga batang biktima ng pang-aabuso, Children in Conflict with the Law (CICL), mga anak ng solo parents at out-of-school youth na kumukuha ng technical-vocational training.
Nakapamahagi rin ang lungsod ng 27,000 school uniforms, 10,000 school bags at learning supplies, at 2,745 learning book sets.
Trabaho at kabuhayan
Sa employment program ng lungsod, umabot sa 15,474 job placements ang naitala mula sa school-based job fairs, local at overseas recruitment, barangay recruitment at location-based job fairs.
Samantala, 93 estudyante naman ang natulungan ng Special Program for Employment of Students (SPES) upang magkaroon ng kita habang bakasyon.
Sa agrikultura, 200 kwalipikadong magsasaka ang nakinabang sa SULONG program na nagbibigay ng tig-P15,000 halaga ng farm inputs upang makatulong sa pagpapatuloy ng kanilang produksyon.
Lumalakas ang lokal na ekonomiya
Binigyang-diin din ng alkalde ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng Sto. Tomas, na nagsisilbing gateway sa timog at tahanan ng mga oportunidad para sa kalakalan at negosyo.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 5,600 rehistradong negosyo sa lungsod—12 porsyentong mas mataas kumpara sa 5,000 noong 2025.
Inaasahan din ang 7.3 porsyentong pagtaas sa revenue collection ngayong 2026, na aabot sa tinatayang P968 milyon.
Ipinagmalaki rin ni Marasigan na nakapagtala ang lungsod ng average annual economic growth na 10.5 porsyento mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Mas mataas ito kumpara sa 5.6 porsyentong growth rate ng CALABARZON at 6.7 porsyento ng Batangas.
Mga bagong proyekto sa susunod na taon
Inanunsyo rin ni Marasigan ang ilang prayoridad na proyekto para sa darating na taon, kabilang ang pagtatayo ng child-minding station para sa solo parents, Wellness Hub para sa mental health concerns, pagpapalawak ng Social Hygiene Clinic, digitalization ng mga serbisyo ng pamahalaan at karagdagang livelihood programs para sa maliliit na negosyo.
Ayon sa alkalde, ang SOCA ay hindi lamang ulat ng mga natapos na programa kundi salamin ng mga pangarap at adhikain ng mga Tomasino na isinasalin sa konkretong programa at proyekto.
Layunin umano ng kanyang administrasyon na patuloy na gawing mas malusog, ligtas, progresibo at masiglang komunidad ang Sto. Tomas, kung saan ang komportableng pamumuhay at madaling pagnenegosyo ay hindi pansamantala kundi bahagi na ng pang-araw-araw na buhay.
Nakaugat naman ang kanyang pamamahala sa islogang “Aksyon Bilis na Serbisyo na may Ngiting Tomasino,” bilang paninindigan sa mabilis, episyente at makataong serbisyo publiko.


- Mayor Marasigan tampok ang accomplishmentssa Ika-5 SOCA - August 13, 2026
- Mekeni showcases Filipino flavor and innovation at WOFEX 2026 - August 12, 2026
- Bagong learning facility, pinasinayaan sa Marinig National High School - August 12, 2026