
Maghahain ng kaso si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste laban kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo matapos umano itong magtangkang manuhol nang hanggang P360 milyon kapalit ng pag-urong sa imbestigasyon ng mga proyekto ng DPWH sa kanyang distrito.
Ayon sa pahayag ni Leviste, pormal na ihahain ng kanyang opisina ang kaso laban kay Calalo sa Office of the Batangas Provincial Prosecutor sa Martes, Agosto 26.
“Hindi dapat pinapalampas ang korapsyon sa DPWH. Dapat tiyakin nating maganda ang kalidad ng mga proyekto at abot-kaya ang halaga nito. Ang mga pagkukulang ng mga kontraktor ay dapat ayusin agad nang walang dagdag na gastos sa gobyerno,” ani Leviste.
Una nang napaulat na inaresto si Calalo noong Biyernes sa isang entrapment operation sa Poblacion, Taal, Batangas matapos umano nitong subukang suhulan si Leviste ng P3.1 milyon upang pigilan ang kongresista sa pagsisiyasat ng mga proyektong pang-imprastraktura sa kanyang distrito.
Kinumpirma ng ilang source sa pulisya na isinagawa ang operasyon bandang alas-5 ng hapon at kasalukuyang nasa kustodiya ng Taal PNP ang suspek.
Maaaring kaharapin ni Calalo ang mga kasong Corruption of Public Officials sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Pinuri naman ni Senator Panfilo Lacson ang aksyon ni Leviste.
“My snappy salute to neophyte Cong. Leandro Leviste… para sa matagumpay na entrapment operation laban sa isang tiwaling DPWH District Engineer,” ayon sa kanyang pahayag sa X (dating Twitter).
Sa isang Facebook post naman nitong Linggo ng gabi, ibinahagi ni Leviste ang kalagayan ng mga flood control project sa Palico, Binambang, at Pansipit rivers na nasira ng mga nagdaang bagyo.




“Patuloy ang imbestigasyon kung saan natuklasan na substandard ang mga materyales na ginamit sa mga flood control projects. Kahit bagong gawa, madali itong nasira at nasayang ang milyon-milyong piso mula sa buwis ng taumbayan,” ani Leviste.
“Dapat walang korapsyon sa DPWH. Ang mga proyektong mali ang pagkakagawa ay dapat ipaayos agad sa kontraktor nang walang dagdag na gastos sa pamahalaan,” dagdag pa ng mambabatas.
Giit pa ni Leviste, “Sa dami na ng nagastos na pondo para sa flood control, dapat managot ang mga kontraktor at ayusin ang mga proyekto upang matigil na ang pagbaha.”

- Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. has officially taken over as OIC of the Philippine National Police succeeding Gen. Nicolas Torre III - August 26, 2025
- Leviste maghahain ng kaso laban sa DPWH Batangas 1st District Engineer dahil sa umano’y suhulan - August 25, 2025
- Laguna launches inaugural event Expo 2025, gears up to become premier celebration destination - August 23, 2025