Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Laguna ang isang hinihinalang fixer sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Biñan matapos magsagawa ng entrapment operation nitong Biyernes.
Kinilala ang suspek na si Allan Joseph Dela Cruz, na naaktuhan umanong tumatanggap ng pera mula sa isang operatiba na nagpanggap na kliyente. Ayon sa CIDG, isinagawa nila ang operasyon dahil sa sunod-sunod na reklamo ng mga nabibiktimang kliyente ng LTO na naaakit sa mga fixer na nag-aalok ng “tulungan” sa pagproseso ng mga dokumento, ngunit nauuwi sa panloloko.
Ayon kay Lt. Col. Jassen Tuario, hepe ng CIDG Laguna, ikinasa ang operasyon sa koordinasyon ng opisina ng LTO Biñan.
“Sa koordinasyon natin together with hepe ng LTO, ikinasa natin itong entrapment operation upang masawata itong mga pangyayaring ito… kinukunan lang talaga ng pera at wala namang serbisyong naipaparating sa mga dumudulog sa kanila, kaya lumalabas na scamming ang ginagawa ng mga personalidad na ito,” pahayag ni Tuario.
Dagdag pa ng suspek, aminado siyang nilalakad nila ang papeles ng mga biktima ngunit kalaunan ay hindi na nagbibigay ng serbisyo matapos makuha ang bayad. Sinabi rin niya na handa siyang ituro ang iba pang kasabwat sa naturang modus.
LTO Biñan: Walang kaalyado ang mga fixer sa loob ng opisina
Aminado ang pamunuan ng LTO Biñan na malaking problema ang presensya ng mga fixer sa paligid ng kanilang tanggapan. Giit nila, wala silang kaalyado sa loob na kasabwat sa modus, at ang mga biktima ay agad nilalapitan ng mga fixer mula sa labas ng opisina.
Dahil dito, humingi na sila ng tulong mula sa CIDG upang tuluyang masugpo ang talamak na scamming sa paligid ng kanilang himpilan.
Panawagan sa mga Biktima
Hinikayat naman ng CIDG ang iba pang nabiktima na lumutang at magsampa ng reklamo laban sa suspek upang papanagutin siya sa batas. Naharap si Dela Cruz sa kasong Usurpation of Authority, at patuloy na tinutugis ang iba pang kasabwat.
Nagbabala rin si Lt. Col. Tuario na ipagpapatuloy nila ang monitoring hindi lamang sa LTO Biñan kundi maging sa ibang LTO branches na posibleng may kaparehong gawain.