Ipinahayag ng League of Municipalities of the Philippines(LMP)-Batangas chapter, na binubuo ng mga alkalde ng lalawigan, ang kanilang pagsang-ayon at buong suporta sa usaping joint venture ng Meralco at BATELEC(Batangas Electric Cooperative) I at II upang maisaayos at mapagbuti ang kalidad ng serbisyo ng kuryente sa mga bayan ng Batangas.
Kabilang sa mga alkalde na nagpahayag ng suporta sa kooperasyon ng Meralco at BATELEC I at II sina Agoncillo Mayor Atty. Cinderella Reyes, Bauan Mayor Ryanh Dolor, Cuenca Mayor Alexander Magpantay, Laurel Mayor Lyndon Bruce, Lobo Mayor Lota Manalo, Mabini Mayor Atty. Nilo Villanueva, Malvar Mayor Cristeta Reyes, Mataas na Kahoy Mayor Janet Ilagan, Padre Garcia Mayor Celsa Rivera, Rosario Mayor Leovigildo Morpe, San Nicolas Mayor Lester de Sagun, Sta. Teresita Mayor Norberto A. Segunial, Taal Mayor Fulgencio Mercado, Taysan Mayor Edilberto Abaday, Tuy Mayor Jey Cerrado, San Jose Mayor Valentino Patron, San Luis Mayor Oscarlito Hernandez at Alitagtag Mayor Edilberto Ponggos.
Bago naganap ang pagpupulong ng LMP-Batangas, nakapaghain na ng resolusyon na nagpapahayag ng suporta sa joint venture ang bayan ng Lobo. Bagama’t hindi nakadalo sa pagpupulong, nauna na ring nakapaglabas ng resolusyon bilang suporta ang mga bayan ng Talisay at Nasugbu.
Matatandaang naging hinaing ng mga taga-Batangas ang madalas na pagkawala ng kuryente at mahabang oras ng brownout sa kani-kanilang mga lugar na lubhang nakakaapekto sa ekonomiya, pangkabuhayan at pang-araw-araw na kabuhayan ng mga Batangueňo. Sa pagpupulong ng LMP-Batangas sa pangunguna ni LMP-Batangas President Mayor Patron kamakailan lang, naimbitahan ang Meralco at BATELEC II upang ipaliwanag ang estado ng usapin ng dalawang partido. Inilahad ni Meralco Senior Vice President and Chief External and Government Affairs Officer Atty. Arnel Casanova, kinatawan ng Meralco, sa mga alkalde ng Batangas ang mga pakinabang na idudulot ng joint venture.
Kabilang sa mga ito ang kahandaan ng Meralco na magtustos ng pamumuhunan sa mga kinakailangang teknikal kagaya ng mga bagong transformers o di kaya’y mga bagong linya ng kuryente. Idinagdag ni Casanova na dahil malaking kumpanya ang Meralco, kaya nito na bumili ng kuryente nang bultohan at maraming planta ang maaari nitong pagkuhanan ng supply gaya ng coal, solar, gas, diesel at kung ano-ano pa.
“Makakapamili po kami sa Meralco at kung ano po iyong mura, doon po namin naipapasa ang generation cost kaya’t may stability rin po ng presyo,” paliwanag niya. “Kapag industrialized po ang isang lugar tulad ng Batangas, kailangan po ng reliable power at Meralco lamang po ang may kayang gumawa dahil mayroon po kaming linya at serbisyo sa Cavite, Tagaytay, Quezon at Laguna. Kaya po ng Meralco na maidugtong ang mga linya ng kuryente para sa iba’t ibang pagkukunan. Kapag nagkaproblema po kayo [sa Batangas], kaya naming umani ng kuryente para dito [sa tulong ng mga] katabing Meralco areas,” dagdag nya.
Pinasalamatan din ng Meralco ang BATELEC II sa pagiging bukas sa pakikipag-usap dahil na rin sa parehong layunin nila upang maisaayos at huwag mawalan ng kuryente sa lugar na nasasakupan. Nilinaw din ng pamunuan ng Meralco ang seguridad ng trabaho ng mga taga-BATELEC.
“Walang mawawalan ng trabaho sa BATELEC. In fact, papagyamanin pa po natin at paghuhusayin ang kakayahan nila, bibigyan ng tamang equipment at kung anu-ano pa. Mahalaga po ang transparency kaya kami po ay bumibisita sa inyong mga tanggapan, para malaman po ninyo ito at very transparent po kami sa intensyon ng pagtulong. Magkakaroon po kayo ng oportunidad [sa Batangas] na i-welcome ang lahat ng investments at hindi magdadalawang isip tungkol sa usapin ng kuryente,” saad ni Atty. Casanova.
Sa panig naman ng BATELEC II, na kinatawan ni Engineer Arvin Barbosa, kinumpirma nito sa LMP-Batangas na mayroon nang nangyayaring pagpupulong tungkol sa usaping joint venture sa Meralco. “Tunay po na nagpahatid ng alok ang Meralco na mapagusapan through Memorandom of Understanding (MoU) kung ano pa ang maitutulong ng pribadong sektor sa katulad naming distribution utility o electric cooperative. Nasa batas naman po iyan. Nakasaad naman po iyan sa EPIRA (Electric Power Industry Reform Act) na pwede po na pumasok through Private Sector Participation (PSP) kung saan magtutulungan po ang dalawang kumpanya sa isang layunin na mas lalong mapaganda ang serbisyo partikular sa serbisyo ng kuryente.
Nagkaroon po ng konsultasyon ang BATELEC II sa NEA (National Electrification Administration), ang supervising agency, base po sa kanilang Board and Management na mayroon pong nakasaad na guidelines at may policy po ang NEA para sa isang kooperatiba na papasok sa partnership with a private sector. Mayroon pong proseso na gagawin ang BATELEC para po malaman din kung ano po ang pinakamagandang programa. Ang sinabi lang naman po ng NEA ay susunod doon sa guidelines and principles na inilatag nila,” ani Engr. Barbosa.
“Bukas naman po ang BATELEC II sa pakikipagusap para ma-explore din po kung ano ang kailangan ng bawat bayan na nasasakop ng BATELEC II,” dagdag nya.
Bago matapos ang pagpupulong ay nagkaisa at nagkasundo ang mga LMP-Batangas Mayors na maghain ng pormal na resolusyon para sa joint venture hindi lamang sa pagitan ng Meralco at ng BATELEC II, kundi maging ng BATELEC I na inihain na panukala nina Taal Mayor Mercado at Tuy Mayor Cerrado bilang solusyon sa suliranin sa kuryente ng lalawigan ng Batangas. “Lahat po ng Mayor dito, naniniwala ako, na wala ho silang pasubali at interesado na Meralco na po ang mag-supply ng kuryente,” ayon kay San Jose Mayor Patron, LMP-Batangas president.
Sinegundahan ito ni Cuenca Mayor Magpantay kung saan, ayon sa kanilang survey, karamihan sa kanilang barangay at mga konsyumer ay pabor sa pagpasok ng Meralco sa kanilang bayan. Inaasahang maglalabas ng pormal na resolusyon ang LMP-Batangas sa susunod na mga araw.
- Batangas Mayors suportado ang Meralco-Batelec joint venture - June 25, 2024