Mental Health Consultation, tutugunan sa Laguna sa pamamagitan ng dagdag na Psychiatric Services

Spread this info

Paano makapagpapakonsulta ang mga Lagunense na nakararanas ng mental health concerns kung umaabot sa P2,000 bawat session ang psychiatric consultation sa ilang ospital sa lalawigan?

Ito ang isa sa mga hamon na tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna sa pagpapalawak ng access sa mental health services.

Ayon kay Laguna Governor Sol Aragones, mahal ang pagpapakonsulta para sa mga nangangailangan ng psychiatric services kaya magdadagdag ng access points para sa mga pasyente.

Simula Setyembre, magkakaroon ng psychiatrist sa JP Rizal Hospital sa Calamba na nakatakdang tumanggap ng mga pasyente tuwing Sabado at Linggo. Ia-anunsiyo pa ang eksaktong oras ng konsultasyon.

Samantala, nagsimula na ang psychiatric services sa Laguna Medical Center tuwing Huwebes at Biyernes.

Magtatalaga rin ng mga guidance counselor upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng karagdagang psychosocial support at gabay.

Giit ni Aragones, mahalaga ang pagpapakonsulta sa psychiatrist dahil may mga pagkakataong ang nararanasang problema sa mental health ay maaaring umabot sa antas na nangangailangan na ng propesyonal na intervention.

Pinayuhan din ng gobernador ang mga nakararanas ng matinding stress na maaaring mauwi sa anxiety o depression na huwag basta magpadala sa mga taong naninira o kumukuwestiyon sa kanilang kredibilidad.

Aniya, mahalagang piliin ang mga laban na dapat pagtuunan ng pansin at huwag hayaang ang mga negatibong komento o “ingay” ng ibang tao ang makaapekto sa buhay.

Mental health access, hamon sa bansa

Hindi lamang sa Laguna problema ang access at gastos sa mental health care.

Batay sa WHO Mental Health Atlas 2024, ang karamihan ng gastos na binabayaran ng mga pasyente sa Pilipinas para sa outpatient mental health services ay nasa 51% hanggang 100% ng kabuuang halaga. Samantala, 2.3% lamang ng kabuuang government health expenditure ang iniulat na napupunta sa mental health.

Sa isang WHO country report para sa Pilipinas, tinatayang 1.15 milyon ang may major depressive disorder batay sa available estimates na ginamit sa ulat.

Ayon naman sa WHO, mahigit isang bilyong tao sa buong mundo ang nabubuhay na may mental health condition, ngunit marami sa kanila ang hindi nakatatanggap ng sapat na pangangalaga.

Sa Laguna, layunin ng karagdagang psychiatric services at guidance counselors na mailapit ang tulong sa mga nangangailangan—lalo na sa mga pasyenteng maaaring nahihirapang magpagamot dahil sa gastos at limitadong access sa mental health professionals.

Sa harap ng lumalaking pangangailangan sa mental health services, sapat kaya ang dagdag na psychiatric services upang mas maraming Lagunense ang makakuha ng tulong bago pa lumala ang kanilang kondisyon?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *