
Nilagdaan ni Mayor Lord Arnel L. Ruanto ng Infanta ang Executive Order No. 32 na nagtatatag ng Ugnayan ng Barangay at Simbahan (UBAS) at Technical Working Group (TWG) upang higit pang paigtingin ang kampanya para sa good governance at transparency sa bayan.
Layunin ng bagong kautusan na patatagin ang ugnayan ng barangay at simbahan upang matiyak na ang mga proyekto at programa ng lokal at pambansang pamahalaan ay tapat, malinaw, at walang bahid ng katiwalian. Kabilang sa mga tututukan ng UBAS ang pagbabantay sa mga proyektong gaya ng flood control, matapos lumabas ang mga isyu ukol sa substandard na imprastruktura.




Ayon kay Mayor Ruanto, ang UBAS ay magsisilbing plataporma ng pakikipagtulungan ng pamahalaan, simbahan, at mga mamamayan para mapanatili ang integridad, transparency, at pananagutan sa lahat ng proyekto at programa ng bayan.
Batay sa nilagdaang EO, kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng UBAS ang:
Pagtitiyak ng maayos na pamamahala sa lahat ng barangay
Pagpapalakas ng aktibong partisipasyon ng mamamayan sa mga proyekto
Pagsubaybay sa full disclosure policy ng mga pondo at programa
Pagpapaigting ng kampanya laban sa droga, karahasan, at katiwalian
Kasama sa mga convenors ng UBAS ang alkalde, bise-alkalde, Sangguniang Bayan, mga lider ng simbahan kabilang ang Obispo ng Prelatura ng Infanta, mga pastor mula sa rehistradong faith-based organizations, at kinatawan ng Muslim community.
Bilang suporta, bubuuin din ang Barangay Action Teams (BATs) na pamumunuan ng grassroots leaders, barangay officials, Sangguniang Kabataan, at mga faith-based groups. Ang mga BATs ang magsasagawa ng monitoring at magsusumite ng ulat kaugnay ng implementasyon ng mga proyekto.
Binigyang-diin ni Mayor Ruanto na ang pagtatatag ng UBAS ay hindi lamang tugon sa mga umiiral na isyu, kundi isang hakbang upang mapatatag ang tiwala ng publiko at palakasin ang partisipasyon ng komunidad sa pamamahala.
Ang Executive Order No. 32 ay agad na magkakabisa at mananatiling epektibo hangga’t hindi binabago o pinapalitan ng bagong kautusan.
