google78feaf06d1095058.html

Dating Kapitan ng Barangay Palo-Alto, nakaligtas sa Ambush noong 2021 — Naniniwalang pulis ang may kagagawan

Spread this info

Lumutang muli ang usapin hinggil sa pananambang noong Hunyo 29, 2021 sa dating kapitan ng Barangay Palo-Alto at kasalukuyang Konsehal ng Calamba City, matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa isang TV interview ng whistleblower kaugnay ng mga “missing sabungeros.”

Ayon kay Konsehal Arvin Manguit, noon pa man ay may duda na siya sa takbo ng imbestigasyon. Isang buwan pa ang lumipas bago sinimulan ng mga pulis ang pagsisiyasat, at ito’y dahil pa umano sa reklamo niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Malaki ang hinala ng konsehal na mga pulis mismo ang nasa likod ng ambush. Ayon sa kanya, pinaghihinalaan niyang naisama siya sa listahan ng mga High Value Target (HVT) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaya siya biniktima. Lalo pang lumalim ang kanyang suspetsa matapos lumabas sa imbestigasyon na ang baril na ginamit sa pananambang sa kanya ay tumugma sa mga armas na ginamit din sa dalawang iba pang kaso ng pamamaslang sa Calamba.

Si Manguiat ay dating “master agent” ng Pitmaster, ngunit nilinaw niyang wala siyang utang sa kumpanya. Gayunpaman, nadawit umano ang kanyang pangalan sa isang insidente ng pandaraya o “tyope” sa sabong na kinasangkutan ng kanyang inaanak.

Pagkalipas ng apat na taon, tila nagkaroon ng bagong pag-asa para sa konsehal na makamit ang hustisya, nang mabanggit siya sa panayam ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy.” Si Patidongan ay dating chief of security sa mga sabungan ng negosyanteng si Atong Ang at ngayon ay sinasabing susi sa kaso ng mga nawawalang sabungero na diumano’y nilubog sa Taal Lake.

Sa panayam kay Manguiat sa Bilyonaryo Channel, iginiit niya na iisa ang grupo sa likod ng mga nawawalang sabungero at sa pananambang sa kanya—isang grupo umano ng mga pulis na kinabibilangan ng isang full-fledged Colonel, Lieutenant Colonel, at ilang Police Captains.

Handa raw siyang pangalanan ang mga ito sa tamang lugar at oras, at nagsabing handa rin siyang tumestigo laban sa kanila. Aniya, apat na taon siyang naghintay upang marating ang puntong ito.

Bagama’t wala siyang direktang ebidensya na si Atong Ang ang amo ng mga naturang pulis, umaasa si Manguiat na magkakaroon ng malinis at patas na imbestigasyon sa ilalim ng pamumuno nina PNP Chief General Nicolas Torre at Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *