
Isinagawa nitong Martes, August 19, 2025 ang sunod-sunod na pamamahagi ng school supplies sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ng Cabuyao bilang bahagi ng layuning matulungan ang mga mag-aaral sa kanilang pagbabalik-eskwela ngayong taon.
Pinangunahan ng mga lokal na opisyal ang pamamahagi ng mga gamit-pampaaralan sa mga sumusunod na paaralan:
– Baclaran Elementary School
– Mamatid Elementary School
– Mamatid National High School
– Bigaa Integrated National High School
– Marinig National High School
– Gulod Elementary School
– Gulod Integrated National High School


Ayon kay Mayor Dennis Felipe “Denha “ Hain ang proyektong ito ay layong matiyak na ang bawat batang Cabuyeño ay may sapat na gamit sa kanilang paglalakbay tungo sa edukasyon.
“Edukasyon ang puhunan sa magandang kinabukasan,” aniya. “Kaya naman sinisikap nating maging handa ang bawat estudyante sa tulong ng mga simpleng bagay gaya ng notebooks, lapis, at iba pa.”
Ang programang ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Cabuyao, Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, at mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod. Kabilang sa mga lumahok sa pamamahagi sina Vice Mayor Junjun Batallones, ang buong Sangguniang Panglungsod, at ilang Bokal mula sa Lalawigan.
Nagpasalamat din ang mga opisyal sa mainit na pagtanggap ng mga guro, magulang, at mag-aaral sa bawat paaralang kanilang binisita.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng adbokasiyang One Bagong Cabuyao, na layong bigyang-priyoridad ang edukasyon bilang pundasyon ng mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataang Cabuyeño.

